SA kabila ng babalang inilabas ni Philippine National Police (PNP) chief General. Rommel Marbil, may ilang PNP personnel pa rin ang hindi nagpaawat sa panggigil. Ang resulta – inaresto ng mga kabaro, at saka kinalaboso.
Bukod sa hindi pinangalang pulis, kulong din ang isang tauhan ng Bureau of Corrections (BuCor), security guard at 18 iba pang nagpaputok ng baril sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Ayon kay Brig. Gen. Jean Fajardo na tumatayong tagapagsalita ng pambansang pulisya, lasing ang pulis na nagpaputok ng baril sa lalawigan ng Rizal habang sa Zamboanga Peninsula region ang BuCor officer at sa Calabarzon naman ang security guard. Pawang mga sibilyan naman ang 18 iba pa na dinakip.
“Yung iba naman po ay nagkaroon ng alitan,ang iba ay, again, lasing. Kaya naman sinasabi natin, patuloy natin na ipinapaalala, maaga-aga pa lamang ay kapag nakainom tayo ay dapat hindi tayo humahawak ng baril lalong-lalo na kung mapapansin nga natin, mga sibilyan itong mga nahuli natin na nagpaputok po,”ani Fajardo.
Sa kaugnay na balita, anim na kaso ng stray bullets ang naitala sa National Capital Region habang tig-isa naman sa Central Luzon at Zamboanga Peninsula.
Nasa 73 katao naman ang hinuli dahil sa iligal na pagbebenta, pagtatabi at paggamit ng mga paputok.
May kabuuan namang 593,094 mga paputok ang nakumpiska at umaabot sa halagang P3.9 milyon.
Gayunpaman, nilinaw ni Fajardo na generally peaceful pa rin ang pagsalubong sa taong 2025.
