HABANG abala ang gobyerno sa pagtugis at pagpapasara ng mga nalalabing illegal POGO, patuloy naman ang pamamayagpag sa operasyon ng e-sabong.
Sa lungsod ng Antipolo, apat na katao ang kalaboso matapos mabisto – at mahuli sa akto habang nagsasagawa ng “guerilla operation ng e-sabong.
Ayon sa lokal na pulisya, dinakma ang mga suspek sa pangongolekta ng pusta gamit ang cellphone habang nakatutok sa livestream ng nagaganap na talpakan ng mga manok.
“Yung guerilla style, pag okay na yung video sa online sabong, kokolekta na, magpapataya na, kung sino ang manalo, bibigay na yung panalo saka aalis na. Mabilisan, tapos pupunta ulit sila sa ibang lugar ganun ulit ang gagawin nila,” ayon kay Antipolo Police Chief Public Information Officer Police Lieutenant Augusto Jepa.
Karaniwan aniyang target ng grupo ang mga pilahan ng tricycle sa Antipolo.
“Yung mga toda driver ang mga parokyano Sa toda-toda kasi may pila yan, habang nag-aantay, taya-taya sila,” dugtong ni Jepa.
“Narekober natin isang cellphone at bet money. Ang kakaharapin nilang kaso ay PD 1602– illegal gambling,” aniya pa.
