ARESTADO sa mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) ang nasa 180 Chinese nationals sa magkahiwalay na pagsalakay sa sentro ng operasyon ng isang sindikato sa likod ng love scam at investment fraud sa sa Zamboanga Sibugay.
Unang sinalakay ang isang establisyemento sa Barangay Tadiong Muslim sa bayan ng Alicia kung saan 100 Tsino ang huli sa akto habang nagsasagawa ng online panloloko.
Kumpiskado sa naturang operasyon ang mga computer at cellphone na naglalaman umano ng mga script na ginagamit sa panloloko, partikular sa investment fraud.
Hindi kalayuan sa naturang establisyemento, natagpuan sa isang kubo ang iba pang sopistikadong kagamitan na umano’y ginagamit sa love scam.
Sumunod nilusob ng NBI ang operasyon sa Siay, kung saan tinatayang 80 Chinese nationals ang nadakip.
Kasalukuyang nakapiit ang mga dayuhan habang bineberipika ng Bureau of Immigration ang estado ng mga nahuling intsik.
