MATAPOS ang 26 na taon, ganap na pinawalang sala ng Korte Suprema ang isang peryodista sa kasong libelo na isinampa ni Cebu Gov. Gwendolyn Garcia.
Sa 18-pahinang desisyon ng Supreme Court Third Division, binasura rin ang hatol na pagkakakulong at P2-milyon multang ipinataw ng Cebu City Regional Trial Court noong taong 2013 at Court of Appeals noong 2017 laban sa peryodistang si Leo Lastimosa.
Nag-ugat ang kaso sa kolum ni Lastimosa na lumabas sa pahayagang ‘The Freeman’ noong Hunyo 29,2007, kung saan sinaling di umano ng akusado ang pagkatao ng gobernador sa artikulong pinamagatang ‘Si Doling Kawatan.’
Sa naturang lathalain, inilarawan ni Lastimosa si Doling bilang tsismosa, mandarambong, benggadora, pikon at butangera.
Giit ni Garcia, siya ang pinapasaringan ng kolumnista.
Gayunpaman, hindi kumbinsido ang Korte Suprema.
“The last element of libel – the element of identifiability of the victim – was, however, not established beyond reasonable doubt. The rule is that – in order to maintain a libel suit, it is essential that the victim be identifiable although it is not necessary that he be named,” ayon kay SC Third Division chairperson Associate Justice Alfredo Benjamin Caguioa.
Kabilang sa lumagda sa pasya ng Korte Suprema sina Associate Justice Henri Jean Paul Inting, Samuel Gaerlan, at Maria Filomena Singh.
Hindi nakapirma si Associate Justice Japar Dimaampao na ayon sa kataas-taasang hukuman ay nasa bakasyon.
Sa testimonya ng Garcia noong 2012, hayagang sinabi ng gobernador na hangad lang di umano ni Lastimosa na sirain ang kanyang reputasyon, kasabay ng giit na hindi niya umano kailanman pinakain, dinamitan at itinaguyod ang kanyang pamilya gamit ang salaping galing sa ilegal na paraan.
Sagot naman ni Lastimosa, hindi si Garcia ang kanyang pinasaringan.
“For an article to be libelous, the imputation must be defamatory, malicious, be given publicity, and the victim must be identifiable.”
“The rule is that in order to maintain a libel suit, it is essential that the victim be identifiable although it is not necessary that he/she be named.”