Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
SA magkatuwang na pagsusumikap ng tanggapan, gayundin bilang bahagi ng personal na adbokasiya nina Speaker Ferdinand Martin Romualdez at maybahay niyang si Tingog partylist Rep. Yedda Marie K. Romualdez, tumanggap ng kaukulang tulong ang nasa 856 na mag-aaral ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP).
Nabatid na sa ilalim ng Crisis Situations (AICS) Program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay binigyan ng tig-P3,000 na cash aid ang nasabing TESDA students na bahagi ng Training for Work Scholarship (TWS) sa Gingoog City.
Naging kiinatawan nina Speaker Romualdez at Rep. Yedda Romualdez si House Deputy Secretary-General Sofonias P. Gabonada Jr. sa isinagawang payout noong Biyernes, Marso 21, na siya ring ika-19 na pagtatapos ng Lorenz International Skills Training Academy Inc. (LISTA) sa Arturo S. Lugod Memorial Gym, sa nabanggit na lungsod.
Bukod sa P3,000 tulong pinansyal, sinabi ni Gabonada na ang mga nagsipagtapos ay nakatanggap din ng P15,000 hanggang P25,000 halaga ng scholarship mula sa TESDA.
Sa pamamagitan naman ni Misamis Oriental 1st Dist. Rep. Christian Unabia, na siyang nagsilbing pangunahing tagapagsalita sa pagtitipon, ay binigyan din tig-5 kilo ng bigas ang mga TESDA scholar.
Kasunod nito, mula rin sa aktibong pakikipag-ugnayan ng mag-asawang Romualdez sa DSWD ay nahatiran ng tulong ang mga AFP at PNP personnel sa Oriental Mindoro.
Sa isang simpleng seremonya, iniabot sa 402nd Infantry Brigade ng Philippine Army at Region IV-B MIMAROPA Regional Police Office ang P300,000 halaga ng tulong kung saan P200,000 ay pagkain gaya ng bigas, delata at noodles at P100,000 tulong pinansyal.
“Ipinaaabot po ni Speaker Romualdez at ng Tingog Partylist ang kanilang taos-pusong pasasalamat sa serbisyong inyong hinahatid para sa pagtatanggol sa ating mga mamamayan,” mensahe ni Gabonada.
Ang tulong ay tinanggap naman ni PBGen. Adonis Ariel Orio para sa Philippine Army habang si PBGen. Kirby Brion Kraft naman para sa PNP.
Una nang bumisita ang Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) sa Oriental Mindoro kung saan nasa P1.2 bilyong halaga ng tulong pinansyal at serbisyo ng gobyerno ang tinanggap sa mga residente.
Ang tulong naman para sa mga pulis at sundalo ay bahagi ng pagkilala sa kanilang mahalagang papel na ginampanan upang mapanatili ng seguridad at kaayusan sa dalawang araw na caravan.
