Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
BUKOD sa tila pagpapakita ng puwersa o show of force, ipinabatid ng nasa 63 kongresista ang kanilang solidong pakikiisa at pagsuporta sa implementasyon ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF), na pangunahing isinusulong ng administrasyong Marcos at ng Kamara, sa ilalim ng pamumuno ni Speaker Martin Romualdez.
Ayon kay Senior Deputy Speaker at Pampanga Rep. Aurelio “Dong” Gonzales sa 2-day BPSF sa Agusan del Norte, kasabay na rin pagsasagawa ng Cash and Rice Distribution (CARD) Program, na inisyatiba ni Speaker Romualdez, ang siyang pinakamaraming pagdalo ng mga kongresista sa labas mg bulwagan ng Kongreso.
“This is the biggest display of unity and solidarity in BPSF next to the Sultan Kudarat service caravan, where almost 50 members of the House of Representatives, mostly from Mindanao attended. At tayo po ay nasa Mindanao uli. Damang-dama natin ang pagkakaisa ng mga mambabatas sa programa ni PBBM dito sa BPSF,” wika ng ranking House official.
“Solidarity is really the word to describe the camaraderie of lawmakers in the Agusan del Norte BPSF. Nakikita ng mga mamamayan ang pagkakaisa ng mga opisyal ng pamahalaan para maghatid ng serbisyo diretso sa mga tao,” dugtong ng Pampanga solon.
Sa panig naman ni House Majority Leader at Zamboanga City Rep. Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe, iginiit din niyang ang malaking bilang ng mga kongresista sa naturang BPSF event ay pagpapakita ng suporta ng Kamara sa programa ng Pangulo at pamunuan ng Kamara na pasimuno ng Serbisyo caravan.
“Lahat po ng umattend sa BPSF Agusan del Norte ay naniniwala sa adhikain ni PBBM tungkol sa paglalapit ng serbisyo sa ating mamamayan. Congress is already on break, and these lawmakers can be anywhere they want to, but they chose to be there sa Agusan del Norte para makiisa,” dagdag pa ng House majority leader.
Bukod sa mga kasapi ng Kamara, dumalo rin sa nasabing okasyon si Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr., chairman ng Lakas-Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD), kung saan si Speaker Romualdez naman ang tumatayong presidente ng nabanggit na partido.
Nabatid naman na may kabuuang P300 milyon halaga ang naipagkaloob ng tulong pinansyal at mga serbisyo ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno para sa nasa 80,000 residente ng Agusan del Norte sa pamamagitan ng BPSF.
