Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN
MULING nanawagan ang minorya sa Kamara hinggil sa pananatili ng dalawang private resorts sa loob ng Upper Marikina River Protected Landscape (UMRPL), sa panngambang makapagdulot ng pinsala sa kapaligiran.
Partikular na tinukoy ni House Deputy Minority leader at ACT Teachers partylist Rep. France Castro ang Erin’s Place at Lihim na Batis sa Sitio San Roque, Barangay Pinugay sa bayan ng Baras sa lalawigan ng Rizal.
Hirit ni Castro sa Kamara, talupan ang mga establisyementong posibleng magdulot aniya ng malaking pinsala sa kapaligiran at mga mamamayan kung hindi mapapalayas sa naturang bahagi ng UMRPL.
Para sa militanteng kongresista, hindi angkop na limitahan sa tatlong private resorts sa loob ng Chocolate Hills ang atensyon ng Kamara.
Giit pa ni Castro, dapat din aksyunan ng mga kapwa niya mambabatas ang House Resolutions 867 at 1598 na nagsusulong ng congressional inquiry sa malaking banta sa pangangalaga ng Masungi conservation area.
“Napakahalaga ng Masungi sa watershed na ang mga taga-Rizal at Metro Manila ang nakikinabang kapag ito ay tuluyang nasira malaking pinsala ang aabutin natin lalo pa kapag dumating ang tag-ulan. Pinanggagalingan din ito ng ginagamit nating tubig, kaya marapat na ipreserba ito at muling buhayin ang kagubatan dito. Kaya dapat talagang imonitor ang lahat ng mga protected areas sa buong bansa,” litanya ng partylist solon.
Ani Castro, “hindi uubra ang ginagawa ng Protected Areas Management Board (PAMB) dito at maging sa Bohol at sa iba pang lugar na basta na lang pinapayagan ang mga hindi sustenableng gawain sa mga protektadong lugar,”
“Hindi rin pwede na inuupuan lang ng DENR ang mga reklamo laban sa mga ito. May order man ng pagtigil ay di naman ipinapatupad kaya marapat talaga na imbestigahan na ito ng Kongreso sa lalong madaling panahon bago mahuli ang lahat,” pagtatapos ni Castro.
