BANTAY-SARADO na sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan ang West Philippine Sea na pinaniniwalaang kinokontrol ng bansang China bilang ruta sa illegal smuggling — kabilang ang pagpasok ng droga sa Pilipinas.
Kamakailan lang, hindi bababa sa P19-milyong halaga ng marijuana kush ang “nabingwit” sa Sabina Shoal na sakop ng West Philippine Sea.
Sa ulat ng Philippine Navy, agad na inilipat sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang kustodiya ng “black bag” na naglalaman ng humigit-kumulang 16 kilo ng hinihinalang high-grade marijuana kush.
Ayon sa Navy, nakatanggap ng impormasyon ang Maritime Civilian Armed Forces Geographical Unit Active Auxiliary Unit–West (MCAAU-W) tungkol sa “black bag” na unang inakalang “spy device.”
Nakipag-ugnayan ang MCAAU-W sa Western Naval Command ng Philippine Navy, na nag-utos naman sa BRP Lolinato To-Ong na rumesponde sa naturang lugar.
Pagdating sa “coordinates” na tinukoy ng Navy, isang “blackbag” ang tumambad sa mga operatibang lulan ng BRP Lolinato To-Ong. (LILY REYES)
