TULUYAN nang nabakante ang chairmanship ng isa sa pinaka makapangyarihang komite sa Kamara matapos pagtibayin ng mababang kapulungan ang “pagbibitiw” ni Ako Bicol partylist Rep. Elizaldy Co.
Sa pagbubukas ng huling yugto ng 19th Congress, hiniling ni Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos na tumatayong House Senior Deputy Majority Leader, sa mga kapwa mambabatas na ideklarang bakante ang naturang posisyon.
“Mr. Speaker, I move to declare vacant the position of chairperson of the Committee on Appropriations,” wika ng bagitong kongresista.
Agad naman inaprubahan ni Speaker Martin Romualdez ang mosyon nang wala maski isang pagtutol.
Hindi naman malinaw kung sino o kung may plano pa ang Kamara humirang ng kongresistang papalit sa pwestong binakante ni Co.
Sa pagbaba ni Co bilang appropriation committee chairman, “health concerns” ang ginamit na dahilan ng kongresista.
Usap-usapan sa hanay ng mga kongresista ang pagkadismaya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga nabistong insertions sa budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH), gayundin sa ilalim ng “Unprogrammed Appropriations.”
