SA kabila ng mga pagsubok ng nagdaang taon, nagawa pa rin ng administrasyon magtala ng pag-unlad sa ekonomiya ng bansa.
“Last year, our nation weathered storms yet remained resilient,” pambungad na pahayag ni House Speaker Martin Romualdez sa muling pagbubukas ng sesyon ng Kamara.
Bilang patunay, ibinida ni Romualdez ang tinawag niyang solid growth rate sa pagitan ng 5.9 percent at 6.5 percent – sa kabila ng mga hamong kinaharap ng bansa, kabilang ang magkakasunod na bagyo at kawalang katiyakan sa panig ng global economy.
“This performance is a testament to the industriousness of every Filipino farmer, worker and entrepreneur who continue to drive our economy forward,” wika ng lider ng Kamara.
“This growth is the fruit of visionary leadership under President Ferdinand R. Marcos Jr. and his transformative Build, Better, More infrastructure program, which injected over ₱1.2 trillion into projects that now connect dreams to opportunities across the archipelago,” dugtong ni Romualdez.
Gayunpaman, nilinaw ni Romualdez na dapat ramdam ng mga ordinaryong Pilipino ang ang paglago ng ekonomiya.
“Yet, let us be clear: numbers alone cannot define progress. Progress is meaningful only if it uplifts the lives of our people. Para saan ang pag-unlad kung hindi makikinabang ang ordinaryong Pilipino?”
Pag-amin ng Leyte solon, nananatiling hamon ang mataas na presyo ng bilihin sa layon ng administrasyon para makamit ang kaunlaran ng bansa.
Nagpasalamat naman si ang lider-kongresista sa naitalang inflation rate na 4.9%, kasabay ng giit na kailangan pa rin isaalang-alang ang pagtaas ng antas ng pamumuhay ng malaking bahagi ng populasyon.
Ito rin aniya ang dahilan sa likod ng paglikha at implementasyon ng Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP) at Kadiwa ng Pangulo na tinutulak ng administrasyon hindi lamang bilang economic intervention bagkus ay pagpapakita ng malasakit dahil ang paglilingkod sa gobyerno ay kapwa dapat mahusay at may awa.
Binanggit naman ni Romualdez ang mga nagawa ng Kamara pagdating sa mga naaprubahan legislative measures.
“In 2024, this chamber achieved an extraordinary milestone: 183 measures became laws. But true success lies not in the quantity of laws passed but in their quality – how they change lives,” aniya pa.
Kabilang sa mga tinukoy ni Romualdez ang Corporate Recovery and Tax incentives for Enterprises to Maximize Opportunities for Reinvigorating the Economy (CREATE MORE) para sa pagpapalakas ng pamumuhunan at paglikha ng trabaho sa bansa.
Gayundin ang Self-reliant Defense Posture Act, na nagpapalakas sa national security at pagkakaroon ng skilled jobs; ang Anti-Agricultural Economic Sabotage Act, na target durugin ang smuggling at profiteering sa sektor ng agrikultura; ang Philippine Archipelagic Sealanes Act, at ang Philippine Maritime Zones Act, na nagsusulong ng soberanya ng bansa at pagpapalakas sa maritime economy; at ang Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Act, na para naman sa edukasyon ng mga Kabataan.
“These are not just policies – they are commitments to a better, fairer, and stronger nation.” (Romeo Allan Butuyan II)
