KUNG may sektor na kailangan suyuin ng mga kandidato para sa nalalapit na halalan sa Mayo, yun ang ang hanay ng kabataan.
Sa datos ng Commission on Elections (Comelec), aabot sa 20 milyong Pilipinong pasok sa kategorya ng Generation Z (Gen Z) ang inaasahang boboto sa 2025 national and local elections.
“Kung ang pagbabasehan natin yung Barangay and SK (Sangguniang Kabataan) Elections, sabihin na natin isama natin yung 15 to 17 years old, ang botante ay almost 24 million. More or less, nag eexpect tayo ng mga hanggang 20 million members of Gen Z na mga kabataan,” ani Comelec Chairperson George Garcia.
Kabilang sa kategoryang Gen Z ang mga ipinanganak sa pagitan ng 1997 at 2012.
Batay sa impormasyon sa official website ng Comelec, mayroong mahigit 65 milyong rehistradong botante noong 2022 general elections. Sa naturang bilang, 13 milyon (katumbas ng 19 percent) ang mula sa Gen Z.
Ayon kay Garcia, mahalaga ang boto ng kabataan.
“Yung votes nila will matter. Ganyan kahalaga ang boto nila sapagkat sila ang magdidikta ng kinabukasan ng ating bayan,” aniya.
