
USAP-USAPAN sa Palasyo ang napipintong pag-atras sa kandidatura para gobernador ng lalawigan ng Cavite ni Gov. Jonvic Remulla na di umano’y napipisil na kapalit ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos na tatakbong senador sa 2025 midterm election.
Ayon sa isang opisyal na nakabase sa Palasyo, ihahayag di umano ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang paghirang kay Remulla sa sandaling magsumite ng resignation letter si Abalos.
Samantala, inaasahan naman ang paghahain ni Abalos ng Certificate of Candidacy sa Martes, Oktubre 8 – huling araw na takdang panahon para sa pormal na pagsusumite ng dokumento sa hanay ng mga lalahok bilang kandidato sa nalalapit na halalan.
Ayon sa Palace sources, si Remulla ang kursunada ni Marcos — at hindi si Lagdameo na una nang lumabas sa mga balita.
Sa sandaling maluklok bilang DILG chief, dalawang Remulla ang magiging miyembro ng gabinete ni Marcos — sina Jonvic at nakatatandang kapatid na si Sec. Crispin Remulla ng Department of Justice (DOJ).
Kasama rin sa shortlist ng mga nominado para sa DILG post sina Navotas Rep. Toby Tiangco, National Security Adviser Eduardo Año, South Cotabato Governor Reynaldo Tamayo Jr., Quirino Governor Dakila Carlo Cua at Special Assistant to the President Antonio Lagdameo, Jr.