WALA sa bokabularyo ng Commission on Elections (Comelec) ang mang-isnab ng mga petisyon kahit pa kontra sa mga prominenteng politiko.
Sa isang pahayag, tiniyak ni Comelec Chairman George Garcia na pagpapasyahan ng poll body ang hirit na disqualification laban sa limang miyembro ng pamilya Tulfo na pawang kandidato sa nalalapit na halalan sa Marso.
“Mga second week up to third week ng March sapagkat sa kasalukuyan ay tinitingnan na para makapag-isyu ng summons, mapasagot ang mga respondents at pagkatapos masa-submit for decisions ‘yung kaso,” wika ni Garcia sa isang panayam sa radyo.
Partikular na rerebisahin ng Comelec ang petisyong inihain ng isang Virgilio Garcia na nagtutulak ipa-diskwalipika sina ACT-CIS partylist Rep. Erwin Tulfo at kapatid na broadcaster Ben Tulfo na kapwa kandidato sa posisyon ng senador.
Pasok din sa target ipa-diskwalipika sina former Tourism Sec. Wanda Teo-Tulfo na nominado ng Turismo partylist group, ACT-CIS partylist Rep. Jocelyn Pua-Tulfo at anak na si Quezon City Rep. Ralph Tulfo.
Bagamat hindi kasali sa petisyon, damay rin sa kontrobersya si Sen. Raffy Tulfo na asawa ni Jocelyn at ama ni Ralph.
Giit ng petitioner, mahigpit na ipinagbabawal sa ilalim ng 1987 Constitution ang political dynasty.
Samantala, nakatakda naman ang Comelec ipatawag ang mga Tulfo bilang bahagi ng proseso — “Pwedeng magkaroon ng hearing, puwedeng hindi naman depende sa magiging sagot nung mismong mga respondent dito sa kaso na ito sapagkat sabi naman ng Korte Suprema kahit pasagutin lamang at hindi magkaroon ng full blown na hearing ay na-comply na due process.”
