
HINDI lang pera ang nawawala sa bawat anomalya, pati ang tiwala ng sambayanan naglalaho na rin, ayon sa isang kongresista kaugnay ng sumingaw ng “ghost student beneficiaries” sa ilalim ng Senior High School (SHS) Voucher Program ng Department of Education (DepEd).
Panawagan ni House Assistant Majority Leader at AKO BICOL Partylist Rep. Jil Bongalon, lumikha ng panibagong joint panel na mag-iimbestiga sa “ghost student beneficiaries” sa financial assistance program na naglalayong itaguyod ang magandang kinabukasan ng mga mag-aaral.
“Hindi lang pera ng bayan ang nawawala, pati tiwala ng mga tao sa ating sistema ng edukasyon ay nasisira,” wika ni Bongalon.
Partikular na iminungkahi ni Bongalon ang joint probe ng House Committees on Basic Education and Culture at ang Good Government and Public Accountability sa anomalyang nagsimula noon pang panahon ni former President Rodrigo Duterte.
“Ilang taon na pala ang ghosting modus na ito, pero bakit parang napabayaan na lang na magpatuloy? Kailangan nating silipin kung nasaan ang butas at sino ang dapat managot,” sambit pa ng AKO BICOL partylist solon.
“The scheme appears to have started as early as 2016 under former President Rodrigo Roa Duterte’s administration and continued under the leadership of former DepEd Secretary and current Vice President Sara Duterte,” dugtong ng mambabatas.
Kung hindi aniya gagawan ng kaukulang aksyon ang nabistong katiwalian, lubos na maapektuhan ang layunin ng pamahalaan — ang tulungan ang mga estudyante sa ilalim ng naturang programa.
Base sa ilang ulat, may mga pribadong eskwelahan ang nagsusumite ng listahan ng “ghost students’ para makakolekta sa DepEd sa ilalim ng SHS voucher program kung saan tinatayang ₱52 million na umano ang nakulimbat sa pondo ng kagawaran para lamang sa school year 2023-2024.
Bagama’t ikinalugod ng ranking House official na may ginawang hakbang si Education Secretary Sonny Angara hinggil sa ‘ghosting’ ng SHS voucher program beneficiaries, naniniwala si Bongalan na dapat magkaroon ng parallel investigation ang Kamara upang makabuo ng kaukulang batas.
Angkop din aniyang lumikha ng mekanismo para masawata ang mga pagtatangkangka sa hinaharap, kasabay ng hirit na kastigo sa mga sangkot sa modus.
“Mas mabuti kung may masusing imbestigasyon mula sa lehislatura para malaman natin ang lahat ng anggulo, pati na rin ang role ng mga opisyal na dapat sana’y nagbabantay sa programang ito. Kapag sabay-sabay ang aksyon ng DepEd at Kongreso, walang lusot ang mga mandaraya.” (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)