
TULUYAN nang tinuldukan ng bagong pamunuan ng Department of Transportation (DOTr) ang estilong paasa ng mga dating opisyales sa ilalim ng nakalipas na administrasyon.
Sa isang pahayag, partikular na tinukoy ni Senador Grace Poe ang napakong pangako ng mga dating DOTr officials sa hanay ng mga tsuper at operator kaugnay ng PUV Modernization Program.
Ayon kay Poe, nasa tamang landas ang direksyon ng bagong talagang Transportation Secretary Vince Dizon na pansamantalang suspendihin ang PUV Modernization Program para balansehin ang modernisasyon at ang kapakanan ng mga apektadong sektor.
“We laud the new leadership of Sec Vince Dizon of DOTr for finally heeding our call for a review of the Public Transport Modernization Program,” ayon kay Poe, dating chairman ng Senate committee on public services na nagsusulong ng tunay na modernization sa sektor ng transportasyon.
Ani Poe, palaging nagbibigay ng “false promises” ang nakaraang administrasyon ng ahensya kaya kinailangan pang pagtibayin ng Senado ang isang resolusyon laban sa jeepney phaseout.
“I also had to file Senate Bill No. 105 consistently since 2019 to call for a just and humane PUV Modernization Program, including transitory assistance and services rendered to operators, drivers and other stakeholders,” ayon kay Poe.
Para kay Poe, marami pang dapat ayusin sa programa. “Bukod sa kakulangan ng route plans, napakamahal na units, banyagang design, at kawalan ng subsidiya para sa mga drivers, napakababa rin ng utilization rate ng programa na pumapalo lang sa 53% ng P7.5 billion budget mula 2018 hanggang 2024.”
“Ngayong 2025, nabigyan ito ng karagdagang P1.6 billion. Gamitin sana ang pondong ito para maayos ang mga gusot sa programa,” aniya.
Aniya: “Proper modernization requires planning and consultation with its stakeholders. Ito na ang panahon para pakinggan ng DOTr ang hinaing ng mga tsuper at mananakay at ayusin ang daan para sa makataong modernisasyon ng ating transport sector.” (ESTONG REYES)