
NAKATAKDANG bumaba ang presyo ng kamatis sa merkado – pero hindi pa ngayon – pahayag ng isang opisyal ng Department of Agriculture (DA).
Sa pagtataya ni Agriculture Assistant Secretary Arnel de Mesa, inaasahan ang pagbaba sa presyo ng kamatis sa mga palengke sa katapusan ng Enero o unang linggo ng Pebrero ngayong taon.
Paliwanag ni de Mesa, karaniwang bumabalik sa normal ang presyo ng kamatis sa panahon ng tag-init.
Batay sa price monitoring ng kagawaran sa mga pamilihan sa National Capital Region (NCR), nasa P350 kada kilo ang presyo ng kamatis – bagay na isinisi ng opisyal sa limitadong ani bunsod ng pinsalang idinulot ng sunod-sunod na bagyong pumasok sa bansa noong nakaraang taon.
“Nagkaroon ng significant reduction sa production ng kamatis by 45 percent going into the fourth quarter last year,” wika ni de Mesa.
Bago pa man pumasok sa bansa ang mga tinaguriang super bagyo, nasa P40 lang ang bentahan sa kada kilo ng kamatis sa mga palengke sa Metro Manila at mga karatig probinsya.
Buwan ng Disyembre nang umabot sa P400 ang bentahan sa kada kilo ng kamatis sa Metro Manila.