
PARA sa Korte Suprema, hindi dapat maging panuntunan sa pagsusuri ng mga aspirante sa anumang posisyon sa gobyerno ang pagiging pobre.
Sa desisyon ng Korte Suprema, itinuwid ni Senior Associate Justice Marvic Leonen ang aniya’y maling panuntunan ng Commission on Elections (Comelec) sa pagdedeklara ng mga tinaguriang “nuisance candidates.”
Aniya, hindi wastong ideklarang nuisance candidate ang isang aspirante dahil lang sa kawalan ng pondo para makapaglunsad ng kampanya.
Isinantabi rin SC En Banc ang mga Comelec resolution na nagkansela sa Certificate of Candidacy (COC) ni Juan Olila Ollesca.
Sa rekord ng SC, si Ollesca ay isang business owner na tumakbo sa presidential elections noong 2022, subalit hinarang ng Comelec ang kandidatura. Ang dahilan – hindi na nga sikat, wala pang inilaang pera para sa kampanya.
Para sa mga mahistrado, ang pangunahing basehan sa pagdeklara ng isang nuisance candidate ay ang kawalan ng tunay na intensyon na tumakbo para sa isang elective public position.
“Maaaring tingnan ang kawalan ng kakayahan na mag-organisa ng isang nationwide campaign dahil hindi siya kaanib ng anumang Partido o ang kawalan ng rekord ng public service… pero, hindi dapat tingnan lang ang pagkakaroon ng pondo, ang pagiging miyembro ng isang partido, ang pagiging kilala sa buong bansa, o ang posibilidad na manalo sa halalan.”