
BAHAGYANG nagluwag ang Palasyo sa panuntunan sa pagtanggap ng empleyado sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.
Sa isang anunsyo, inihayag ng Palasyo ang pagbubukas ng mga entry-level positions para sa mga nagtapos sa senior high school, alinsunod sa resolusyon ng Civil Service Commission (CSC).
Sa ilalim ng naturang resolusyon, tuluyan nang inamyendahan ang probisyon kung saan nakalahad ang kwalipikasyon at pamantayan sa first level government positions.
Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, layon ng pagbabago sa panuntunan ng government hiring bigyang-daan ang mas maraming kabataan na makapasok sa serbisyo publiko bilang tugon sa reporma sa K-12.
Kabilang sa mga trabaho na maaaring pasukin ng mga graduate ng K-12 sa gobyerno ay clerical, custodial at iba pang posisyong pasok sa kategorya ng sub-professional.
Ang mga maaaring makapasok sa gobyerno ay yaong mga nakakumpleto ng Grade 10 simula 2016, Grade 12 graduates simula 2016, at mga nagtapos sa technical-vocational track na may TESDA NC II certification.
“In-update ng CSC ang dating requirements para sa mga posisyong clerical, custodial at iba pang sub-professional roles sa gobyerno,” wika ni Castro.
Gayunpaman, nilinaw ng Palace official na kailangan pa ring tugunan ng mga aplikante ang iba pang requirements kabilang Civil Service eligibility, training at karanasan sa trabahong inaaplayan.