SA hindi kalayuang hinaharap, ganap nang matutupad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga binitawang pangako sa sambayanang Pilipino.
Ito ang buod ng pahayag ni House Speaker Martin Romualdez kasunod ng pag-arangkada ng Expanded Career Progression (ECP) System program ng Department of Education (DepEd).
Tiniyak din ni Romualdez ang suporta ng Kamara sa ECP na magbibigay kapangyarihan sa mga guro bilang haligi ng edukasyon.
Inihayag din ng lider ng Kamara ang suporta sa programang magtataas din sa bagong sistema ng promosyon at ng mga guro sa pamamagitan ng pagbibigay ng pagkilala batay sa kakayahan at merito, sa halip na limitahan ng mga bakanteng posisyon.
“This reform is a clear demonstration of how the Marcos administration values the role of our teachers. By ensuring that promotions are now based on their own excellence and dedication, we are giving them the recognition they truly deserve as the molders of our nation’s future,” ani Romualdez.
“Dati ay kulang ang mga oportunidad na makaangat ang ating mga guro dahil walang bakanteng pwesto para sa kanila. Ngayon, bibigyan na sila ng pagkilala sa pamamagitan ng promosyon na batay sa kanilang angking galing at dunong—isang makabuluhang pagkilala at pasasalamat ng pamahalaan sa mga oras na ginugol nila sa pagtuturo sa ating mga anak,” dagdag pa niya.
Binigyang-diin ng House Speaker na pinatutunayan ng bagong sistema ang binigyang-diin ng Pangulo sa kanyang 2025 State of the Nation Address (SONA)—na ang pagbibigay-kapangyarihan sa mga guro sa pamamagitan ng propesyonal na pag-unlad at pagsulong sa kanilang karera ay susi sa pagbabago ng sektor ng edukasyon sa bansa.
“The ECP System paves the way for genuine career advancement and self-fulfillment for our teachers. It revives the joy of teaching as both vocation and calling, while opening the promise of higher rank and better pay for those who meet the standards.”
Sinimulan na ng DepEd ang pagpapatupad ng ECP system sa bisa ng DepEd Order No. 024, series of 2025.
Nagpakilala ito ng mga bagong ranggo para sa mga guro—Teacher IV hanggang VII at Master Teacher V—at lumikha ng dalawang career tracks sa classroom teaching at school administration.
Ang mga promosyon ay ibabatay na ngayon sa Philippine Professional Standards for Teachers and School Heads, na inuuna ang kalidad ng pagtuturo at kakayahang mamuno. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
