Ni LILY REYES
UMARANGKADA na ang palitan ng sisi sa pagitan ng Department of Environment and Natural Resources at lokal na pamahalaan matapos lumabas na hindi lang pala isa ang resort sa loob ng Chocolate Hills sa Bohol.
Ayon sa lokal na pamahalaan ng Sagbayan, walang pinadalang kopya ang DENR sa sinasabing closure order na inilabas noong Setyembre ng nakalipas na taon.
“Kahapon lang namin nalaman na meron pa lang temporary closure order ang DENR. Kasi walang binibigay sa amin na furnished copy ng temporary closure order,” ayon kay Felito Pon na tumatayong executive secretary ng Office of the Mayor.
“Kung alam namin ‘yung temporary closure order ay sa application for renewal ay hindi na po mare-renew,” dagdag ni Pon.
Ayon sa opisyal, taong 2018 pa inindorso ng lokal na pamahalaan ang aplikasyon ng Captain’s Peak and Garden Resort sa Protected Area Management Board (PAMB), kasabay ng pagbibigay katiyakan sa kahandaan na kanselahin ang business permit ng naturang establisyemento kung may mga paglabag.
“Sa amin naman sa LGU, mare-revoke nila ‘yung business permit nila… kapag mayroong batas na nilabag, may kapangyarihan po yung local chief executive natin na bawiin, ikansela yung business permit nila,” aniya pa.
Trending na rin sa social media ang mga larawan ng iba pang private resorts na nakatayo sa loob ng tanyag na tourist spot sa bansa at kilala bilang kauna-unahang United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) global geopark sa Pilipinas.
Sa social media post ng isang Big Bert Sy, tinukoy ng netizen ang dalawa iba pang private resorts – ang Sagbayan Peak at Bud Agta.
Samantala, naglabas na rin ng anunsyo ang Captain’s Peak and Garden Resort.
“To our valued guests. This is to inform you that our resort is temporarily closed until further notice. Sorry, for the inconvenience.”
Una nang iginiit ng DENR na Setyembre pa ng nakalipas na taon naglabas ang closure order ang naturang ahensya.
Gayunpaman, lumalabas na Marso 13 lamang naglabas ng direktiba ang DENR Central Visayas regional office ng memorandum na nag-uutos sa Provincial Environment and Natural Resources Officer (PENRO) na inspeksyuniin ang Captain’s Peak resort na anila’y walang environmental clearance certificate (ECC).
Sa kaugnay na balita, target na rin talupan ng Senado ang DENR kaugnay ng iba pang resorts na nagsulputan sa Chocolate Hills na idineklarang National Geological Monument and Protected Landscape sa bisa ng Proclamation 1037 noong 1997 alinsunod sa pagkilala ng UNESCO sa naturang lugar bilang World Heritage List.
“Kung ang mga ahensya ng gobyerno na may tungkulin at responsibilidad na pangalagaan ang Chocolate Hills ay may pro-environment mindset, ang tanong po natin – bakit nakapagtayo ng resort at mayroon pang cottages at swimming pool sa isang “classified natural monument” sa ilalim ng National Integrated Protected Areas System (NIPAS), at isang protected UNESCO geopark?” patutsada ni Senador Nancy Binay na tumatayong chairperson ng Senate Committee on Tourism.
Kabilang sa nais ni Binay igisa sa Senado ang lokal na pamahalaan at mga tanggapan sa ilalim ng DENR –.PAMB, Bohol Environment Management Office, at PENRO.
