Oplus_131072
WALANG puwang sa bayan ng Infanta ang mga utak-sindikato, giit ni Mayor Lord Arnel Ruanto kasabay ng abiso sa isinasagawang imbestigasyon hinggil sa umano’y pamemeke ng Municipal Environment User Fee ticket sa na iniisyu sa kahabaan ng Marilaque Highway.
Sa isang panayam, partikular na tinukoy ni Ruuanto ang isang barangay kagawad na sinasabing nasa likod ng paniningil sa mga turistang bumibisita sa mga pasyalan sa Sitio Camagong na higit na kilala sa tawag na “Little Baguio sa nabanggit na lokalidad.
Garantiya ng alkalde, mananagot at kakasuhan ang kagawad at iba pang sangkot sa ilegal na aktibidad, kasabay ng panawagan maging maingat sa AI-generated deep-fake video na kumakalat sa social media.
Sa naturang video, pilit aniyang inililihis ang katotohanan kaugnay ng paniningil ng environment users’ fee.
Pag-amin ni Ruanto, sinubukan ng Local Finance Committee isulong ang ordinansa sa koleksyon ng Municipal Environment User’s Fee. Gayunpaman, nilinaw ng alkalde na Mayo 18 pa nang itinigil ng lokal na pamahalaan ang paniningil ng environment users fee sa collection point sa bahagi ng Kilometer 90 dahil na rin umano sa nakaambang panganib sa mga motorista.
Bagamat tigil na ang paniningil sa mga collection point, patuloy ang implementasyon ng lokal na ordinansang pinagtibay noong 2021..
“Ang ginagawa na lang namin dun na mismo sa point of destination ang paniningil ng environment users fee — habang hindi pa naitatayo ang tourist hub,” wika ng Infanta mayor.
Sa ilalim ng naturang ordinansa, naniningil ang lokal na pamahalaan ng P30 kada turista para sa pagpapanatili ng kalinisan at pangangalaga sa kalikasan.
Hinahati aniya ang pondong nalikom sa environment users fee — 50 porsyento para sa environment protection at ang nalalabing 50 porsyento para naman sa turismo.
Ani Ruanto “moral responsibility” ng turistang dumadaan sa protected area makiisa “bayanihan” na kalakip ng programang kalinisan, at lisanin luntian ang mga nasasakupang pasyalan.
Kamakailan lang nang personal na bisitahin ni Ruanto ang Sitio Kiborosa kung saa personal umano niyang nasaksihan ang mga kalat ng basurang itinapon lang sa mga bangin, habang ang iba naman ay nakiyang inaanod sa ilog.
Bukod sa kalikasan, lubos na pinangangalagaan ng lokal na pamahalaan ang mga katutubong umaasa sa turismo bilang kabuhayan.
