SA gitna ng usap-usapan hinggil sa mungkahing term extension ng mga barangay officials, nilinaw ng Malacañang na pag-aaralan muna ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. panukalang batas na inihain sa Senado.
Sa isang press briefing sa Palasyo, inamin ni Undersecretary Claire Castro na pa napagtutuunan ng panahon ni Marcos ang usapin ng panukalang palawigin sa limang taon ang termino ng mga barangay at Sangguniang Kabataan (SK).
Kabilang aniya sa mga bubusisiin ng Pangulo ang dahilan kung bakit kailangan dugtungan ang termino ng mga Barangay at Sk officials, gayundin ang motibo sa likod ng hirit na ipagpaliban ang halalan sa darating Nobyembre 2.
“Sa ngayon po ay dapat mabasa muna kung anuman po ang kanilang panukala,” wika ni Castro.
Nang tanungin kung suportado ng Pangulo ang term extension, agad na tumugon si Castro — “Hindi po maaaring sumang-ayon agad, hindi puwedeng sumang-ayon or hindi sumang-ayon hangga’t hindi nakikita kung bakit kailangan ng ganitong klaseng panukala at bakit kinakailangan ma-postpone.”
“So, mas maganda bago po sumagot ang Pangulo tungkol sa ganyang isyu ay makita niya kung ano nilalaman ng panukalang ito,” dagdag pa ng Palace official.
Una nang inihain ni Senador Chiz Escudero ang Senate Bill 2387, na naglalayong amyendahan ang Republic Act 12232 o ang batas na nagtatakda ng termino ng mga barangay official at miyembro ng Sangguniang Kabataan.
Sa ilalim ng panukala, nais palawigin ang termino ng mga opisyal ng barangay at SK sa limang taon at ilipat ang susunod na halalan sa Nobyembre 2028.
Ayon kay Escudero, layunin ng panukala na magkaroon ng tuloy-tuloy na pamamahala, sapat na panahon para maisagawa ang mga proyekto ng komunidad at mabawasan ang pagkaantala dulot ng madalas na halalan.
