MISMONG si Senate impeachment court presiding officer Sen. Francis Escudero ang nagsabing “physically impossible” para sa isang disbursing officer na magsagawa ng confidential fund payments sa magkakahiwalay na lokasyon sa loob ng isang araw.
Sa pagpapatuloy ng paglilitis kaugnay sa kinakaharap na Article 1 kaugnay ng maling paggamit ng P612.5-million confidential funds, tinalakay ang pondo ng Department of Education (DepEd) sa panahon ng pamumuno ni Vice President Sara Duterte bilang Kalihim ng naturang ahensya.
Batay sa salaysay ni Commission on Audit (COA) supervising auditor Xylene Mae del Campo, si Edward Fajarda ang tanging special disbursing officer (SDO) na itinalaga ni Duterte para pamahalaan ng confidential fund cash advances ng DepEd.
Nang busisiin ang ilang kopya ng acknowledgment receipts (ARs) na isinumite ng DepEd sa COA, lumalabas na sa loob ng isang araw ay nakapagbayad ang ahensya sa magkakaibang lugar sa bansa.
“If indeed the SDO is the only officer authorized to disburse the funds, then clearly it is physically impossible to be in all of these locations in one day,” sambit ni Escudero habang isinasagawa ni private prosecutor Lorna Kapunan ang direct examination kay Del Campo.
Partikular na nabulatlat ang ilang ARs na may petsang Pebrero 25, 2023 at nakasaad ang na ginawa ang payout sa Masbate, Laoag City, Davao City, Agusan del Norte, Olongapo, Samar, Pangasinan, Compostela Valley, Nueva Ecija, Koronadal City, Batangas, Kalinga, Southern Leyte at Abra.
“And there was earlier admission that the SDO gave the funds to a Col. Lachica, probably even more. So that remains to be seen and proven in the coming days,” obserbasyon pa ng Presiding Officer.
Mayroon din one-day payouts ng DepEd confidential funds ang nailantad ni Kapunan, noong Pebrero 21, Marso 15 at Agosto 9, pawang sa taong 2023.
“Kung hindi man Superman ang isang SDO, kaya ba niyang puntahan?” Tanong ng lady veteran lawyer, na kinontra naman ng depensa subalit nanindigang batid naman na si Superman ay nakakalipad patungo sa iba’t-ibang lugar.
“We get your point,” tugon naman ni Escudero sa argumento ni Kapunan.
Sa panahon ng pamumuno ni Duterte bilang DepEd Secretary, aabot sa kabuuang P112.5 confidential funds ang pinamahalaan ng pangalawang pangulo — bukod pa ang P500 million confidential funds ng Office of the Vice President.
