BILANG protesta laban sa hindi makatarungang 20 porsyentong kaltas ng kumpanya sa kanilang kinikita, nagkasa ng welga kasabay ng tigil-pasada ng mga jeepney drivers ang hindi bababa sa 50,000 delivery riders ng Lalamove.
Ayon sa grupong Coalition of Couriers and Shippers Services Inc. (CCSSI), kabilang sa mga lalahok sa malawakang welga sa Mayo Uno ang mga Lalamove delivery riders mula sa Metro Manila, Davao, Cebu, Pampanga, at Calabarzon
Partikular na inalmahan ng mga delivery riders ang anila’y malaking porsyentong binabawas ng kumpanya sa kanilang komisyon.
Hirit ng grupo ng delivery riders, ibaba sa 10% ang kaltas ng Lalamove sa kanilang komisyon, lalo pa’t sagot naman ng kanilang hanay ang konsumo ng gasolina sa maghapong byahe.
Himutok ng isang delivery rider na ayaw pabanggit ang pangalan, parang Lalamove na lang aniya ang pinaghahanap-buhay nila. Katunayan aniya, P20 ang agad kinakaltas ng Lalamove sa kada P100 na pumapasok sa booking services ng mga riders.
“Ang nangyayari, P80 lang ang natitira… tapos kami pa ang bumabalikat sa gasolina. Pag nasiraan kami, di naman nila nire-reimburse sa amin. Maintenance sa amin pa rin, ultimo pa-vulcanize pinapasa sa amin.”
Dagdag pa niya, sa walong oras na trabaho ng rider, hindi sila kikita ng P800.
Samantala, nanawagan ang CCSSI sa mga kapwa delivery rider na makilahok sa malawakang welga at kilos protesta sa mismong Araw ng Paggawa para ipaglaban ang karapatan ng mga manggagawa.
