Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
KINATIGAN ng buong kasapi ng House of Representatives ang resolusyon na nagpapahayag ng lubos na pakikidalamhati sa mga naulila ni Cavite Rep. Elpidio Barzaga Jr.
Mismong si Speaker Martin Romualdez ang nanguna sa paghahain ng House Resolution 1691 sa sesyon ng Kamara na agad nag-adjourn bilang respeto sa Cavite solon.
“Honorable Barzaga’s relentless pursuit of justice and his compassion for those in need earned him the respect and admiration of both his colleagues in the House of Representatives and his constituents in Dasmariñas City, and he will always be remembered for inspiring those in the government service with his integrity, kindness and dedication to serve the people,” saad pa sa HR No. 1691.
Bukod kay Romualdez, kabilang din sa mga principal authors ng naturang resolusyon sina Senior Deputy Speaker Aurelio Gonzales Jr., Deputy Speaker Jay-Jay Suarez, Majority Leader Mannix Dalipe, Minority Leader Marcelino Libanan, Senior Deputy Minority Leader Sandro Marcos, at Tingog Partylist Reps. Yedda Marie Romualdez, at Jude Acidre.
Si Barzaga ay binawian ng buhay noong nakaraang Sabado sa California, United States sa edad na 74 taong gulang. Naulila niya ang maybahay na si Dasmariñas City Mayor Jennifer Austria-Barzaga, at kanilang mga anak na sina Francisco, Elpidio III, at Lorenzo.
Ipinanganak noong March 25, 1950 sa Dasmariñas, Cavite, si Barzaga ay kinikilala rin bilang isang mahusay na certified public accountant at lawyer.
Siya ay nagtapos ng kanyang primary education bilang valedictorian sa Dasmariñas Elementary School noong taong 1962, at naging valedictorian sa pagtatapos ng secondary education sa Immaculate Conception Academy noong 1966.
Nakapagtapos naman bilang cum laude si Barzaga para sa kursong Bachelor of Science in Commerce, Major in Accounting sa San Beda College noong 1970 at graduate din bilang magna cum laude naman ng Bachelor of Laws degree sa Far Eastern University (FEU) taong 1975.
Bago pumasok sa larangan ng public service, si Barzaga ay mayroong successful career bilang isang practicing CPA-lawyer mula 1976 hanggang 1996. Siya rin ay naging law professor sa FEU mula 1976 hanggang 1992 at bilang Pre-Bar reviewer naman sa Civil Law mula 1983 hanggang 1992.
Sa pagiging lingkod-bayan, si Barzaga ay unang nanungkulan bilang mayor ng noo’y munisipalidad pa lamang ng Dasmariñas mula 1998 hanggang 2007.
Naging kinatawan naman sa Kamara ng second legislative district ng Cavite noong 14th Congress (2007 to 2010) at ng lone district of the City of Dasmariñas, Cavite noong 15th (2010 to 2013) at 16th (2013 to 2016) Congresses.
Naging city mayor naman ng Dasmariñas City mula 2016 hanggang 2019 at muling bumalik bilang kongresista noong 18th Congress (2019 to 2022) hanggang sa bawian ng buhay.
Kinikilala ang malaking kontribusyon ni Barzaga sa ibayong pagpapabuti ng sektor ng edukasyon, pangkalusugan, gayundin sa usapin ng poverty alleviation programs.
Ilang sa mga panukalang batas na inakda ni Barzaga bilang principal o co-author ang Republic Act 11984 (No Permit, No Exam Prohibition Act), at RA 9723 (An Act Converting the Municipality of Dasmariñas in the Province of Cavite into a Component City to be Known as the City of Dasmariñas).
Sa kanyang panunungkulan sa Kamara, si Barzaga ay nagsilbi bilang chairperson ng Committee on Natural Resources at vice-chairperson ng Committees on Cooperatives Development, Games and Amusements, Legislative Franchises, at Suffrage and Electoral Reforms.
Si Barzaga ay labis na nirerespeto at pinahahalagahan ng kanyang mga kapwa mambabatas dahil sa kahandaan tumulong sa paraan ng pagbibigay ng payong legal, at pananaw sa iba’t-ibang mahahalagang usapin. Hindi rin matatawaran ang husay ni Barzaga sa pakikipagtalastasan sa plenaryo at maging sa mga pagdinig ng komite.
