DALAWANG babae – kabilang ang isang buntis, ang nasaktan matapos yanigin ng magnitude 5.8 na lindol ang bayan ng Dulag sa lalawigan ng Leyte.
Ayon kay Atty. Leah Caminong Maasin na tumatayong Municipal Disaster Risk Reduction and Management officer, nasa pagamutan pa ang dalawang biktimang kapwa nasugatan bunsod ng pag-uga ng lupa.
Sa datos ng lokal na pamahalaan, nahulog sa hagdan ng isang establisyemento ang 26-anyos na buntis, habang nagtamo naman ng sugat sa paa ang 27-taong gulang na babae.
Kapwa nasa pagamutan pa ang dalawang biktima, ayon kay Atty. Maasin.
Patuloy naman ang isinasagawang imbentaryo sa pinsalang dulot ng lindol habang nagkasa na rin ng pagsusuri ang lokal na pamahalaan sa posibleng pinsalang tinamo ng mga pampublikong imprastraktura.
