Ni LOUIE LEGARDA
IBINISTO ng isang dating senador ang di umano’y paggapang ng ilang retired Philippine National Police (PNP) officials sa mga sundalo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) para sa nilulutong kudeta para patalsikin sa pwesto si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Gayunpaman, nilinaw dating Senador Antonio Trillanes IV na wala maski isang sundalo ang pumatol sa alok na pagsapi sa aniya’y malinaw na destabilization plot lalo pa’t tukoy na ng Palasyo ang mga retiradong PNP officials.
“Meron pong mga na-identify na active PNP officials, active and retired actually, PNP officials na sumasama dito sa destabilization efforts. Pero base sa impormasyon natin, na-identify na sila and mahirapan na sila gumalaw,” wika ni Trillanes.
Kasama rin aniya sa “recruitment” para sa destabilization plot ang ilang di pinangalanang aktibong opisyal ng pambansang kapulisan.
Nang tanungin kung sino ang nasa likod ng nilulutong kudeta, hayagang inginuso ni Trillanes si former President Rodrigo Duterte.
“Ano na yan, kumbaga, it goes without saying. Hindi naman gagalaw itong mga ito pagka walang imprimatur ni Duterte, yung tatay. And makikita natin doon sa kanyang mga public pronouncements. These are statements meant to agitate, to incite sedition and rebellion, at yun na yun.”
Samantala, iginiit ni Colonel Jean Fajardo na tumatayong tagapagsalita ng PNP, walang aktibong pulis ang sangkot sa destabilization plot laban sa administrasyon.
“Wala po tayong na mo-monitor na sino man na aktibong pulis na involve allegedly diyan sa sinasabing destabilization plot. At wala po tayong na mo-monitor na destabilization plot for that matter,” ayon kay Fajardo, kasabay ng pakiusap sa dating senador na huwag kaladkarin sa kontrobersya ang pambansang pulisya.
