SA nakalipas na walong buwan, walang progreso sa isinusulong na dagdag-sahod sa hanay ng mga guro, ayon sa Teachers Dignity Coalition (TDC).
Sa isang kalatas, tinuligsa ng TDC ang Department of Budget and Management (DBM) bunsod ng anila’y pagkaantala sa ipinangakong umento para sa mga guro.
“Kapag para sa kapakinabangan ng mga guro, napakabagal magdesisyon ang gobyerno,” wika ni TDC national chairperson Benjo Basas kasunod ng kalatas ng DBM hinggil sa dagdag-sahod na pangako ng Pangulo.
Una nang sinabi ng DBM na patuloy pa rin ang pag-aaral ng kagawaran sa asam-asam na dagdag-sahod sa mga kawani ng gobyerno. Ayon sa departamento, posibleng sa susunod na taon pa matatapos ang pagrerebisa ng ahensya.
Bagamat maliit lang ang inaasahang umneto, nanindigan ang TDC na hindi angkop na inaantala ng DBM ang katuparan sa pangako ng Pangulo, lalo pa’t patuloy ang pagsipa sa presyo ng mga pangunahing bilihin sa merkado.
“The DBM hinted at a budgetary allocation of more than 16 billion pesos for government employees, including teachers. According to the meeting, the increase, which amounts to 2–8% of the current salaries, will take effect within the first to second quarter of 2024,” ayon sa pahayag ng TDC.
“Mailap ang umento sa aming sweldo at kung magkaroon man, sobrang liit at lagi pang delayed. Ito po ay sumasalamin lamang sa pagtrato ng gobyerno sa ating mga guro, maliit, mababa at hindi prayoridad,” dagdag ni Basas.
Buwan ng Marso nang lumihan ang grupo kay Budget Secretary Amenah Pangandaman pasta alamin kung kailan ipatutupad ang dagdag-sahod, bagay na sinagot ni DBM Undersecretary Goddess Hope Libiran na nagsabing nakikipag-ugnayan na ang ahensya sa Governance Commission for GOCCs para kumuha ng isang consulting firm na magsasagawa ng Compensation and Benefits Study in the Public Sector.
