KUMBINSIDO ang Department of Trade and Industry (DTI) na walang magaganap na paggalaw sa presyo ng ilang pangunahing bilihin sa merkado matapos mangako ang limang manufacturing companies na magpapatupad ng “voluntary price freeze” sa binebentang produkto.
Gayunpaman, nananatiling tikom ang DTI sa mataas na halaga ng bigas sa mga pamilihan.
Ayon kay Trade Assistant Secretary Amanda Nograles, ang garantiya ay bunga ng pakikipag-usap ng departamento sa mga manufacturers bilang bahagi ng paghahanda ng pamahalaan sa panibagong dusang kalakip ng pagpasok ng La Niña.
Pasok sa “voluntary price freeze” na ipatutupad mula Hunyo hanggang Hulyo ang processed meat, gatas, bottled water at noodles.
“Meron tayong limang major manufacturers na nagsabing hindi gagalaw ang presyo ng mga bilihin na binebenta nila… voluntary po iyan on the part of the manufacturers for a period of 60 days,” ani Nograles.
