MALINAW na ipinagkanulo ni Vice President Sara Duterte ang tiwalang ipinagkaloob ng mga mamamayan, ayon sa tagapagsalita ng lupon ng tagausig. Ayon kay Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na tumatayong tagapagsalita ng House prosecution panel, hindi na maitatanggi ang hayagang paglabag ng pangalawang pangulo sa 1987 Constitution. Partikular na tinukoy ni Alonto Adiong ang probisyon na mahigpit na nagbabawal sa mga opisyal ng gobyerno na magkaroon ng anumang interes sa negosyo. Layon aniya ng nasabing probisyon tiyakin itutuon ng mga elective officials ang panahon ng panunungkulan sa pagsisilbi sa bayan. “Ang atin pong Constitution ay very jealous po yan sa mga halal na opisyal. Dapat 100 percent po yung attention mo sa iyong opisina at sa pagseserbisyo sa ating taong bayan,” ani Alonto Adiong. “Hindi kayo magkakaroon ng other attention na mahahati dahil sabi ko nga po dapat 100 percent. Kasi inupo ka po diyan ng ating taong bayan trusting you will deliver your mandate,” dagdag niya. Subalit sa kaso ng bise presidente, hayagang nilabag ang konstitusyon matapos mabisto ang posisyon bilang miyembro ng board of directors ng isang pribadong korporasyon. “Dapat yung tiwala na iyon ay masuklian ng 100 percent na attention at serbisyo sa taong bayan. Hindi po yan ang nakita natin sa Vice President dahil nag-act po siya na director,” anang prosecution panel spokesman. Sa isinumiteng Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN), idineklara ni Duterte ang pagkakaroon ng shares of stock sa GenCorp. Industries Inc. Ang GenCorp Industries Inc. ay nag-o-operate ng fast-food business na nagdeklara ng P364 million gross sales noong 2024 — malayo sa P3-million na nakasaad sa isinumiteng financial statement. Facebook Twitter/X LinkedIn Post navigation Petition for bail inihain ni Romualdez sa Sandiganbayan Petisyon laban sa bagong voting threshold hilaw pa?