Ni ESTONG REYES
MATAPOS ang pag-amin ni Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo hinggil sa pumapasok na pera at lawak ng negosyo, umeksena na rin ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) para magsiyasat sa paniwalang may bulilyaso ang kontrobersyal na alkalde.
Pasok din sa target ng AMLC ang nagngangalang Angelito Guo na tinuturong ama ng alkalde.
Ayon kay Senador Sherwin Gatchalian, sinimulan na ng AMLC ang imbestigasyon batay sa sinumpaang testimonya ni Guo sa pagdinig ng Senate Committee on Women, Childrens, Family Relations and Gender Equality.
“Meron sila monitoring pero dapat i-report ito ng mga bangko. At sa pagka intindi ko nag-uumpisa na sila (AMLC) sa kanilang investigation dahil nga dito sa mga hearing na nangyayari,” sambit ni Gatchalian sa isang sabayang panayam ng mga mamamahayag sa Senado..
Kung pagbabatayan aniya ang financial statements ng mga binibidang negosyo ng alkalde, maliit lang ang kinikita ni Guo.
Gayunpaman, nakakapagtaka aniya na napakaraming pera ng pamilya – partikular ang sinasabing amang pabalik-balik sa China at Pilipinas.
“Isa pa ‘yung tingin ko mas malaki ang sindikato na nag-ooperate dito. At nakikita ko di lang human trafficking pati money laundering pumapasok na itong mga POGO. At hindi natin alam saan, kung saan nanggagaling ang pera, nanggagaling sa drugs, nanggagaling sa human trafficking. At nakita natin na may mga taong pumupunta dito para ipasok ang pera nila at gumawa ng hindi maganda tulad ng POGO.”
“Hindi rin maaalis ni Mayor Guo na hindi siya kasali doon dahil lahat nakapirma siya,” pahabol ng senador.
