HINDI kayang baguhin ng pera ang resulta ng halalan, ayon kay Commission on Elections (Comelec) chairman George Garcia kasabay ng babala hinggil sa aniya’y paglilibot ng mga sindikatong nag-aalok ng “sure win” kapalit ng P100 milyon.
Panawagan ni Garcia sa mga politiko, huwag patulan ang aniya’y malinaw na panloloko.
Pag-amin ni Garcia, may mga natanggap na impormasyon ang Comelec kaugnay ng mga sindikatong umiikot sa iba’t ibang bahagi ng bansa para kumausap ng mga politiko na nais lumahok bilang kandidato sa nalalapit na 2025 midterm election.
Ayon sa Comelec chief, hindi na bago ang modus ng mga sindikato sa tuwing papalapit na ang halalan. Aniya, karaniwang estilo ng mga sindikato ang magpanggap na pasok sa mga taong may basbas ng mga Comelec officials.
Dito na umano nag-aalok ng “tulong” sa mga politiko kapalit ng malaking halaga para makasiguro sa panalo sa eleksyon.
Aniya, scam lang yan.
Sa halip na magpaloko, hinikayat ni Garcia na agad na ipa-aresto sa pulisya sinumang gumagamit sa pangalan ng Comelec o maging sa mga opisyales ng poll body, kasabay ng pagtitiyak na walang paraan upang madaya ang resulta ng halalan.
May kakayahan di umano ang makabagong teknolohiyang gamit ng Comelec na ma-countercheck kung magkakaroon ng ‘pagbabago’ sa resulta ng halalan.
