KULUNGAN ang hantungan ng dalawang kawani ng Metro Manila Development Authority (MMDA) matapos magpanggap ng miyembro ng Philippine National Police – Highway Patrol Group (PNP-HPG).
Ayon kay Col. Neil Francia na tumatayong regional director for NCR ng PNP-HPG, nasa gitna ng operasyon kontra wangwang at blinker ang highway patrol team nang mapansin ang dalawang paparating na motorsiklong escort sa isang sasakyan na kalaunan ay napag-alamang lulan si Senador Francis Tolentino sa sa kahabaan ng Diokno Avenue sa Parañaque City.
Nang sitahin, dito na napansin na may police markings ang motorsiklo nina Teofilo Labsan Padilla at Jonathan Alames Pacle na kapwa empleyado ng MMDA.
Katwiran umano ng dalawa, escort sila ni Senador Tolentino at kapwa otorisado magbigay seguridad sa mga opisyales ng gobyerno.
“In-escortan nila sabi nila yung former MMDA chairman, si Sen. Francis Tolentino. Authorized naman, nagbibigay kami ng mga security sa senators – hindi lang sa LGU chief executive – kasi meron din silang sakop. Authorized naman siya kaya ang hinarang namin yung talagang motor ng dalawang MMDA personnel,” wika ni Francia.
Matapos ipagbigay-alam sa MMDA, agad na naglabas ng pahayag ang ahensya. Ayon sa kalatas ni MMDA chairman Don Artes, hinihintay pa nila ang official report ng HPG, kasabay ng pangakong imbestigahan ang naturang insidente.
“We are coordinating with PNP-HPG and waiting for the official report. We will investigate the matter and act accordingly,” ani Artes.
Kapwa nasa kustodiya ng Regional Highway Patrol Unit – National Capital Region Investigation Branch sina Padilla at Pacle na nahaharap sa patong-patong na kaso kabilang ang Usurpation of Authority at Illegal Use of Uniform or Insignia.
