Ni LILY REYES
MATAPOS ang halos tatlong linggo, narekober ng District Anti-Carnapping Unit (DACU) ng Quezon City Police District (QCPD), ang isang Toyota Innova na tinangay ng isang lalaking nagpanggap na kliyente ng isang car rental company.
Ayon kay DACU chief Major Hector Ortencio, Mayo 19 pa nang rentahan ng isang nagngangalang Reymart Erni na residente ng Mendez, Cavite ang Innova mula sa Auto Piloto Car Rental shop sa lungsod ng Lipa sa lalawigan ng Batangas.
Gayunpaman, matapos ang tatlong-araw alinsunod sa kasunduan, hindi na nagpakita ang umarkila – gayundin ang kotseng Innova.
Dito na nagpasya si Jasper Lalog na tumatayong tagapangasiwa ng naturang car rental shop na dumulog sa Lipa City Police Station na agad namang naglabas ng alarma.
Hindi pa man lumilipas ang 24 oras, nakatanggap ng impormasyon si Lalog na namataan di umano sa bandang Libis, Quezon City ang tinangay na Innova. Agad na dumulog si Lalog sa DACU na kagyat na nagsagawa ng surveillance kung saan lumabas na nasa bayan ng Taytay, Rizal ang nawawalang Innova.
Sa isang operasyon, arestado ang isang Amelia Villamil. Gayunpaman, iginiit ng suspek na nakigarahe lang di umano ang kanyang kliyenteng kinilala sa pangalang Manuel Rocky Loude Jr. hanggang Mayo 26.
Nasa kustodiya na ng Lipa Police Station si Loude na nahaharap sa kasong paglabag sa Illegal Fencing Act, habang patuloy naman ang pagtugis sa lalaking nagpanggap na costumer ng car rental shop.
