Ni LILY REYES
MATAPOS ang suspendihin ang driver’s license ng Chinese national na bumaril at pumatay sa isang family driver dahil sa away-trapiko, target naman ngayon ng Land Transportation Office (LTO) higpitan ang bentahan ng mga segunda-manong sasakyan.
Ayon kay LTO chief Assistant Secretary Vigor Mendoza II, ipatutupad ng ahensya ang mas mahigpit na polisiyang na nagtutulak ng isang database sa hanay ng mga car dealers.
Sa ilalim aniya ng nasabing polisiya, obligadong magparehistro ang lahat ng car dealers sa isang web portal ng ahensya kung saan bahagi ng datos ang pangalan at tirahan ng mga binentahan ng segunda-manong sasakyan.
Pasok din ang polisiya sa pagsasanla ng sasakyan.
Paliwanag ni Mendoza, hangad ng ahensya mas pabilisin ang pagtukoy at pagtunton sa mga may-ari ng sasakyang sangkot sa mga insidente sa kalsada – tulad ng nangyari kamakailan kung saan nahirapan ang pulisya hanapin ang gunman na sakay ng itim na Mercedes Benz.
Lumalabas sa ulat ng pulisya, bagamat natunton ang may-ari at lokasyon ng sasakyang ginamit sa pagtakas ng salarin, bigo ang mga operatiba na agad mahuli ang suspek na napag-alamang napagbentahan ng hinahanap na sasakyang nakarehistro pa rin sa first owner.
