Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
ANG tunay na lingkod-bayan, nirerespeto ang pasya ng mga mamamayan. Ito ang buod ng mensahe ng tatlong ranking officials ng Kamara de Representantes kaugnay ng sentimyento ng mga Pilipino sa usapin ng amyenda sa economic provisions ng 1987 Constitution.
Ayon kina Senior Deputy Speaker at Pampanga 3rd District Rep. Aurelio Gonzales Jr., Deputy Speaker at Quezon Rep. David Suarez at Majority Leader Manuel Jose Dalipe, ang resulta ng Tangere survey ay maituturing na hudyat sa liderato ng Senado upang aprubahan ang panukala.
Batay sa resulta ng pinakahuling survey, lumalabas na 57 porsyento sa mga Pilipino ang sang-ayon baguhin ang mga mapanikil na economic provisions na nakapaloob sa umiiral na Saligang Batas.
Para kay Gonzales, malinaw ang resulta sa survey na pinangasiwaan ng establisadong data research firm mula Mayo 21 hanggang 25 kung saan higit na mas marami na ang pabor at sumusuporta sa economic Charter amendments.
“I think the Senate should listen to the people’s voice. New Senate President Francis Escudero should do what his predecessor failed to do, and they should do it as soon as possible,” hirit ng Pampanga lawmaker.
Buwan ng Marso nang pagtibayin ang Resolution of Both Houses No. 7 na bersyon ng Kamara sa tinutulak na economic Charter change.
Samantala, mistulang pinatulog ng mga senador ang RBH 6 na akda ng noo’y Senate President Juan Miguel Zubiri, Sen. Sonny Angara at Sen. Loren Legarda. Batay sa pinakahuling ulat, nakabinbin pa sa subcommittee level na dating pinamumunuan ni Angara ang naturang panukala.
Pag-amin ni Gonzales, walang katiyakan ang pag-usad ng panukala matapos patalsikin si Zubiri bilang Senate President.
Nanawagan naman si Suarez kay Senate President Francis Escudero na ipagpatuloy ang pagtalakay sa RBH 6 – “So far, new Senate President Escudero has spoken on a lot of things, except the proposed economic constitutional amendments.”
Para naman kay Dalipe, maaaring ipasa ng Senado ang RBH 6 sa pagbubukas ng 3rd regular session ng 19th Congress sa Hulyo.
“But senators have to realize that the window of opportunity for them to approve economic Charter reforms is fast closing,” dagdag ng House majority leader.
Hirit pa ni Dalipe, magiging abala na ang maraming politiko dahil sa paparating na eleksyon kaya makabubuti kung agad na maipapasa ng Senado ang RBH 6.
“We won’t be able to accomplish much after that. That’s the reality of this situation,” pahayag ng Zamboanga City solon.
