SA kabila ng patuloy na agresyon ng bansang China sa West Philippine Sea, walang plano ang administrasyon sumabak sa madugong digmaan, ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Para kay Marcos, maraming paraan para salagin ang pambabarako ng China at hindi aniya kasama ang pagsabak sa giyera.
“Now, I am sure that all of you are aware now that the internal threat has been reduced. We now have to also think about the external threat and that again is a different strategy that we will have to employ,” wika ni Marcos sa pagbisita sa mga sundalong miyembro ng 10th Infantry Division sa Davao Region.
Gayunpaman, tiniyak ng Pangulo na ipagtatanggol ang karapatan at soberanya ng bansa sa West Philippine Sea na pasok sa 200-nautical mile Philippine exclusive economic zone.
“Hindi naman tayo nakikipag giyera kahit na kanino. Wala naman tayong gustong pasukin. Tayo ay defensive lang naman tayo at dinedepensahan lang natin ang bansa natin,” paliwanag ni Marcos.
“Kaya’t ‘yan ang ating bagong threat na hinaharap ngunit kagaya ng sabi ko, kung nagawa ninyo ito dahil sa internal threat, ako’y malakas ang loob ko na kaya rin ninyong gawin pag dumating sa tinatawag na external threat,” aniya pa.
Kumpyansa naman si Marcos sa kakayahan at kahandaan ng mga sundalo depensahan ang anumang banta sa bansa.
