Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
SA kauna-unahang pagkakataon, nakiisa at nagpakita ng suporta si dating Pangulo at ngayo’y incumbent Pampanga 2nd District Rep. Gloria Macapagal Arroyo sa pagdaraos ng dalawang araw na Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) sa Tagum City, Davao del Norte kahapon.
Bukod sa hindi inaasahang pagsulpot ni Arroyo, naitala rin ang record-high na bilang ng mga sumamang kongresista sa Serbisyo Caravan kung saan 167 na mambabatas mula sa Kamara ang dumalo.
Sa panayam ng mga mamamahayag, nagpahayag ng kagalakan ang dating Pangulo sa pagkakataon maging bahagi ng inisyatiba at programa nina President Ferdinand Marcos Jr. at House Speaker Martin Romualdez.
“Congratulations to the people of Davao del Norte and Tagum City, and many thanks to President Marcos and Speaker Romualdez,” wuika ni Arroyo.
Nang tanungin naman sa maaaring pagdalo niya sa mga susunod pang BPSF events, naging positibo ang sagot ni Arroyo at sinabi pang “as I’m invited, yes.”
Bukod sa Pampanga solon, mahigit sa 160 pang kongresista ang kasama sa naturang caravan, na mahigit pa sa kalahati ng kabuuang bilang ng mga kasapi ng House of Representatives na kung magsasagawa ng sesyon, siguradong may “quorum.”
Kapansin-pansin ang pagdagsa ng mga kongresista Serbisyo Caravan na ginanap sa mismong balwarte ng pinaka maingay na kritiko ng administrasyon.
Kaya naman labis ang pasasalamat at papuri ng lider ng Kamara sa House delegation na aniya’y senyales sa patuloy na paglago at malaking kapakinabangan ng programa.
“Napakasaya po. Yung BPSF lumalakas, lalong lumalago at lahat ng mga sangay ng ating gobyerno ay narito, over 66 departments and agencies, at pinakamaraming benepisyaryo ngayon,” bulalas ni Romualdez.
“Nagpapasalamat ako sa ating mahal na Presidente. Ito po ang bisyon nya na ilapit ang ating gobyerno sa taumbayan, at ito na po ang nangyayari,” dugtong niya.
Nabatid na 250,000 residente ng lalawigan ang nakinabang sa mahigit sa P913-million halaga ng government services, cash, education, at livelihood assistance.
“Tunay na tayo’y nagagalak at napakaraming kongresista ang nakarating sa programa ng ating Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. at personal na masaksihan kung paano nakakatulong sa mga mamamayan ang bawat ayudang inilalaan natin sa ating national budget,” saad ng lider-kongresista sa isang talumpati.
“Dahil sa ating nasaksihan sa BPSF, makakaasa ang mga kababayan natin na sisiguruhin pa rin ng Kongreso ang pagpapatuloy ng mga programang ito sa administrasyong Marcos. At patuloy pa din ang ating paghahanap ng mga paraan para lalong makatulong sa ating mga kababayan,” pahabol ni Romualdez.
