SA pagnanais na pataasin ang produksyon ng mga lokal na magsasaka, naglabas ng bagong direktiba si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa National Irrigation Administration (NIA) para sa rehabilitasyon at modernisasyon ng Magat Dam kung saan nagmumula ang patubig sa irigasyon para sa mga magsasaka sa mga lalawigan ng Isabela at Cagayan Valley.
Para kay Marcos, napapanahon nang isaayos ang 49-anyos na dam na katuwang ng mga magbubukid sa kabuhayan.
Sa kanyang direktiba, partikular na inatasan ni Marcos si National Irrigation Administration chief Engineer Eddie Guillen na isulong agad ang rehabilitasyon, kasabay ng modernisasyon para sa makasigurong hindi matutuyo ang mga taniman sa mga nabanggit na lalawigan.
Target din ng Pangulo lagyan ng solar panel ang dam para palawigin ang power generation at iba pang pakinabang sa dam.
“Nag-uusap kami ni Administrator Guillen, ika namin, balikan namin yung Magat Dam at tingnan natin kung pwede pa, mukhang mayroon pang kailangan,” sambit ni Marcos.
Taong 1975 nang itayo ang Magat Dam na pangunahing pinagkukunan ng irigasyon ng 85,000 ektarya ng mga palayan sa Cagayan Valley, bukod pa sa 540-megawatt power ng hydroelectric power.
