Ni ESTONG REYES
NAGPAHAYAG ng agam-agam ang isang senador sa aspeto ng pagtalima ng mga tanggapan ng pamahalaan hinggil sa direktibang pag-awit ng himno ng Bagong Pilipinas na slogan ng Pangulo.
Para kay Senate Minority Leader Aquilino Pimentel III, dapat pagtibayin ang isang batas para maobliga ang iba’t ibang sangay ng pamahalaan na kantahin ang himno kasabay ng regular flag ceremony tuwing Lunes sa iba’t ibang tanggapan ng gobyerno.
Ayon kay Pimentel, hindi sapat ang Memorandum Circular 52 na inilabas ng Palasyo.
“The EO is not sufficient. I believe a law is needed in order to authorize that,” giit ng senador.
“This involves the way of thinking of the people. Hence, such a mandate must emanate from the people’s chosen representatives, their legislators,” dugtong ng mambabatas.
“Also notice that the MC involves State Colleges and Universities. The students therein are not even government employees. They all observe the established flag ceremony under the law,” aniya pa.
Sa Kamara, kinondena naman ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers partylist Rep. France Castro ang Memorandum Circular 52 na aniya’y kinopya lang sa gimik na Bagong Lipunan sa ilalim ng panahon ng diktadura ni Marcos Sr.
Kumbinsido rin ang militanteng kongresista na nais lang ng administrasyon palaging pinupuri ang gobyerno sa paraan ng pwersahang implementasyon na nagtatakda ng Bagong Pilipinas himno.
