MULA sa pagiging pulis, abogado at huwes ng husgado, tuluyan nang naabot ng kilabot na sharpshooter ng Maynila ang pangarap na pwesto matapos italaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang bagong hepe ng National Bureau of Investigation (NBI).
Sa kalatas ng Presidential Communications Office (PCO), itinalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Judge Jaime Santiago bilang NBI director, kapalit ng nagretirong si Medardo De Lemos.
Higit na kilala si Santiago bilang isang mahusay na pulis. Sa panahon ng kanyang paninilbihan sa Manila Police District (MPD) Special Weapons and Tactics (SWAT), nakilala si Santiago dahil sa pagiging sharpshooter mula taong 1979 hanggang 2000..
Kasabay ng pagiging pulis, nag-aral si Santiago ng abogasya hanggang sa pumasa sa bar exam pagkatapos magretiro.
Taong 2003 hanggang 2006 nagsilbi si Santiago bilang Assistant City Prosecutor.
Mula sa pagiging tagausig, umakyat bilang presiding judge ng Manila Regional Trial Court.
Bitbit din ng sharpshooter ng Maynila ang rekord bilang dating deputy executive vice president ng Philippine Judges Association and at dating presidente ng Metropolitan and City Judges Association of the Philippines.
Taong 2012 nang kilalanin ng Professional Regulation Commission si Santiago bilang outstanding criminologist, bukod pa sa pagkilala ng Philippine Jaycees bilang Outstanding Policeman of the Year.
