TULUYAN nang pinutol ni Vice President Sara Duterte ang ugnayang nagbibigkis sa administrasyong Marcos matapos magbitiw sa pwesto bilang Kalihim ng Department of Education.
Sa isang maikling pahayag, kinumpirma ni Press Secretary Cheloy Garafil na nagresign na bilang DepEd Secretary ang ka-tandem ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong 2022 presidential election.
Bukod sa DepEd, isinuko na rin ni Duterte ang posisyon bilang vice chairperson ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na nilikha sa termino ng kanyang amang si former President Rodrigo Duterte.
Samantala, hindi naman nagdalawang isip si Marcos na tanggapin ang pagbibitiw sa pwesto ng batang Duterte. Ani, Garafil, inaprubahan agad ng Pangulo ang paglisan ni VP Sara sa Gabinete.
“She declined to give a reason why. She will continue to serve as Vice President. We thank her for her service,” ani Garafil.
Kabilang naman sa mga nakikitang dahilan sa pagkalas ni VP Sara sa administrasyon ang napipintong pagpasok ng International Criminal Court (ICC) para sa mandamiento de arresto kaugnay ng madugong giyera kontra droga sa ilalim ng termino ng matandang Duterte.
Mula pa buwan ng Enero, patuloy na nag-iingay si former President Duterte laban sa administrasyon. Patunay nito ang mga pasaring na nagdadawit kay Marcos sa paggamit ng ilegal na droga.
Hindi rin kainaman ang relasyon ni VP Sara kay House Speaker Martin Romualdez (pinsan ni Marcos) at First Lady Liza Araneta-Marcos.
Wala pang anunsyo ang Palasyo kung sino ang ipapalit kay VP Sara sa DepEd.
