Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
UPANG mabawasan kundi man tuluyang maaalis ang taripa na ipinapataw sa mga produktong agrikultural ng Pilipinas na ini-export sa Japan, hiniling ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang pagrepaso sa Philippines-Japan Economic Agreement (PJEPA).
Ang apela ay ginawa ng lider ng Kamara sa pakikipagpulong sa mga mambabatas ng Japan na bahagi ng Philippines-Japan Parliamentarians’ Friendship Society (PJPFS) at pinangunahan ni Chairman Hiroshi Moriyama, isang miyembro ng House of Councilors sa parliamentary building ng Japan noong Martes ng hapon.
“We believe that a review of the [PJEPA], especially after the recent trilateral agreements, would show support and solidarity. This request aligns with our past efforts and aims to foster a better and more conducive relationship between our countries,” hirit ni Romualdez sa mga opisyal ng PJPFS.
Umaasa si Romualdez na ang gagawing pagrepaso ay magpapaganda sa termino ng mga produktong agrikultural ng Pilipinas, partikular sa export-quality na saging na ani ng local farmers.
Ayon sa Leyte lawmaker, bumaba ang market share ng saging ng Pilipinas sa Japan, na mula 80 porsyento ay naging 78 porsyento na lamang.
Giit ni Speaker, nais ng Pilipinas maparami ang produktong agrikultural na ibebenta sa Japan, na isa sa pinakamalaking importer ng agricultural product sa mundo.
Aniya, ang target ay makapag-export ang Pilipinas sa Japan ng isda at mga tropical fruits gaya ng pinya, avocado, mangga, durian, mangosteen, at okra.
Tinanggap naman ni Chairman Moriyama, isang dating agriculture minister, ang kahilingan na repasuhin ang PJEPA.
Samantala, kinilala rin ni Speaker Romualdez ang kahalagahan ng Japan sa Pilipinas, na ikalawa sa pinakamalaking trade partner nito bukod pa sa pagiging pangunahing pinanggagalingan ng Official Development Assistance (ODA).
Sinabi ng pinuno ng nasa higit na 300 miyembro na House of Representatives na ‘nung magsimula ang COVID-19 pandemic, ang kalakalan sa pagitan ng dalawang bansa ay bumaba ng 12 porsyento.
“This decline is not necessarily due to specific circumstances but rather the pandemic and current regional conditions,” ani Romualdez.
Tinanggap naman ni Chairman Moriyama, isang dating agriculture minister, ang kahilingan na repasuhin ang PJEPA.
Ani Chairman Moriyama, ang pagtugon sa mga hamon ay posibleng magbigay-daan upang maging mas competitive ang saging ng Pilipinas sa merkado ng Japan.
Bagamat ang Pilipinas at Japan ay bahagi ng Regional Comprehensive Economic Partnership, ang PJEPA ay nakikita na mas epektibong plataporma upang tugunan ang naturang isyung pangkalakalan.
Ang panawagan ni Romualdez na repasuhin ang PJEPA sa pagbisita nito sa Tokyo ay isa umanong pagpapakita ng suporta upang mapalago ang lokal na sektor ng agrikultura at mapalakas ang pakikipagkalakalan ng Pilipinas sa Japan.
Kumpiyansa ang lider ng Kamara na magiging paborable sa Pilipinas ang magiging tugon ng Japan lalo at “all-time high” ang bilateral relasyon ng mga naturang bansa matapos ang makasaysayang trilateral summit sa pagitan ng Pilipinas, Japan, at Amerika noong Abril.
Si Chairman Moriyama ay sinamahan ng iba pang miyembro ng Japan Parliament kabilang sina Vice Chairman Shinsuke Okuno, Director General Hirofumi Ryu, Secretary General Taku Otsuka, Deputy Secretary General Yamato Aoyama, at Executive Directors Kuniko Inoguchi, Rui Matsukawa, Kaname Tajima, Hideki Miyauchi, at iba pa.
Bahagi naman ng delegasyon ng Pilipinas sina Majority Leader Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe, Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr., Deputy Speaker David “Jay-jay” Suarez, House Committee on Appropriations Chairman Zaldy Co, Navotas Rep. Toby Tiangco, House Secretary General Reginald “Reggie” S. Velasco, House Sergeant-at-Arms retired PMGEN Napoleon C. Taas, at iba pang opisyal ng
