PARA kay Justice Secretary Crispin Remulla, wala nang kawala si dating Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves Jr. matapos aprubahan ng Timor-Leste ang extradition request ng Pilipinas para pabalikin sa bansa ang sinibak na mambabatas para harapin ang mahabang talaan ng mga kasong kriminal na isinampa ng kagawaran sa husgado.
“This victory is not just for the DOJ alone but the entire Philippines and for every single Filipino who believes that our criminal justice is truly working,” saad sa isang bahagi ng pahayag ni Remulla.
“Teves’ hide and seek tactics have come to an end, he can no longer evade the legal consequences of his actions and should answer the charges fair and square,” dagdag ng Kalihim.
Gayunpaman, tiniyak ni Remulla na bibigyan ng patas na pagkakataon ang dating mambabatas para pasinungalingan ang mga paratang na nagdidiin sa kanya bilang utak sa likod ng serye ng mga patayan sa Negros Oriental mula taong 2019 hanggang Marso ng nakalipas na taon.
Samantala, iba naman ang pananaw ni Atty. Ferdinand Topacio. Aniya, hindi pa pwedeng ibyahe pabalik ng Pilipinas si teves. Ang dahilan – pwede pa naman maghain ng apela.
“Hindi pa ipapatupad yung extradition request habang hindi pa po tapos yung appellate process,” sambit ng abogado ni Teves.
Nakasaad aniya sa Code of Civil Procedure ng Timor-Leste na mayroong 30 araw para maghain ng apela matapos ipagkaloob ang extradition request.
Bukod sa apela sa extradition case, may nakabinbin pa umanong hirit na asylum sa Timor Leste ang dating kongresista.
Nahaharap si Teves sa 10 kaso ng murder, 12 frustrated murder at apat na attempted murder sa Manila Regional Trial Court Branch 51 kaugnay ng pagpaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at siyam na iba pa noong Marso 4, 2023.
