SA napipintong paghirang sa lilisaning pwesto ni Vice President Sara Duterte, higit na angkop ipagkatiwala ang Department of Education sa mga may karanasan at kwalipikasyon, ayon sa Philippine Business for Education (PBEd).
Gayunpaman, pawang politiko ang isinumite ng naturang grupo sa Palasyo.
Hirit ng PBEd kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., isama sa talaan ng pagpipilian bilang kalihim ng DepEd sina Senador Sonny Angara, Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian, Negros Occidental Rep. Francisco Benitez, at dating Finance Undersecretary Milwida Guevara.
Ayon kay PBEd President Chito Salazar na mahalagang masiguro ang maayos na transition sa DepEd at mabilis na makapili ng bagong DepEd Secretary.
Aniya, mahaba na ang karanasan ni Angara at matagal nang nagtatrabaho sa lehislatura at nagsulong ng mga patakaran para sa edukasyon.
Isa rin aniya si Angara sa mga naghain ng Senate Joint Resolution 10 na nanawagan sa pagbuo ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2). Patapos na rin anila ang termino ni Angara at maaari pa nitong ipagpatuloy ang mga sinimulan niya sa iba namang katungkulan.
Pasok din aniya sa pwedeng ipalit kay Duterte si Gatchalian sa reporma sa edukasyon sa Valenzuela. Makatutulong din umano ang kanyang karanasan bilang kalihim ng DSWD, pagiging alkalde at diskarte sa pagtugon sa learning crisis sa bansa.
Si Benitez naman ay isa sa mga nagsulong at commissioner ng EDCOM 2. Co-chairperson din aniya ang komusyonado sa Early Childhood Care and Development and Basic Education Standing Committee, bukod pa sa nagsilbing pangulo ng isang unibersidad.
Pwede rin naman aniyang piliin si Guevara ng Synergeia Foundation na nasa likod ng mga proyekto at programa sa edukasyon at nakikipag-ugnayan sa mga local government unit.
Isang non-government organization ang PBEd na itinayo ng mga pinakamalaking negosyante sa bansa para isulong ang pagpapalakas ng edukasyon sa Pilipinas.
.…………
