Ni ESTONG REYES
PARA kay Senador Risa Hontiveros, sapat na ang natuklasang bulilyaso sa likod ng pagkatao ni Guo Hua Ping para sibakin sa pwesto bilang alkalde ng bayan ng Bamban sa lalawigan ng Tarlac.
Partikular na tinukoy ni Hontiveros ang usapin sa citizenship ni Guo batay sa resulta ng pagsusuri ng National Bureau of Investigation (NBI) kung saan lumalabas na ang Chinese national na si Guo Hua Ping na dumating sa bansa noong 2003 at ang Alice Leal Guo na tumakbo at nanalong alkalde ng Tarlac ay iisa.
Kumbinsido rin ang matapang na mambabatas na wala nang maitatago pang lihim si Guo tungkol sa kanyang tunay na pagkatao.
Gayunpaman, dapat muna aniyang pagbayaran sa loob ng kulungan lahat ng kasalanan ginawa sa Pilipinas bago pa man itulak ang deportation ni Guo.
“So, kumbaga, hindi lang free pass na madedeport at doon na lang niya harapin yung consequences sa kung saang bansa siya idedeport, but she will have to face the consequences kapag napatunayan ng mga korte natin na nilabag niya ang mga batas ng ating Republika,” dagdag ng senador.
Nahaharap si Guo sa kaso ng human trafficking charges na isang non-bailable offense.
Nakahanda na rin ang Office of the Solicitor General (OSG) sa paghahain ng quo warranto case na magbibigay daan para tuluyang tanggalin bilang alkalde si Guo.
Mas lalo pa aniyang madidiin si Guo kapag napatunayang ninakaw niya ang identity ng ibang tao at ginamit sa pagtakbo sa politika.
“If she’s proven to have stolen an identity and used that to run for public office, in effect, kung ang kaso na hinaharap natin ay isang Chinese national, who posed as a Filipino, para makakuha ng isang elective office. At kasabay pa niyan, nag-identity theft ng isang Pilipina para mabigyan ng cover ang mga POGO sa kanilang iba’t ibang mga criminal activities. So, mabibigat na usapin iyan,” ani Hontiveros.
