
PAGDAGSA ng turista ang nakikitang dahilan sa pagdami ng mga naitalang kaso ng Human Immunodeficiency Virus (HIV) sa Puerto Princesa City, batay sa datos ng Department of Health Mimaropa (Mindoro Occidental, Mindoro Oriental, Marinduque, Romblon, and Palawan) regional office.
Sa datos ng DOH-Mimaropa, umabot sa 656 ang naitalang kumpirmadong kaso ng HIV sa naturang lungsod na bahagi ng lalawigan ng Palawan.
.Nasa pangalawang pwesto naman Oriental Mindoro na may 532 HIV cases, habang ikatlo ang Palawan na may 441 kaso, kasunod ang Occidental Mindoro na may 198 kaso, Romblon na may 142 cases at Marinduque na may 102.
Sa isang pahayag, sinabi ni Dr. Christy Andaya na tumatayong hepe ng DOH Infectious Disease Cluster for Mimaropa Region, karamihan ng mga HIV cases ay nakuha sa pagtatalik sa kapwa lalaki.
Panawagan ni DOH Mimaropa regional director Dr. Mario Baquilod, iwasan muna ang sexual contact sa pagitan ng magkatulad na kasarian. Dapat rin aniyang agad na magpakonsulta sa sandaling makaramdam ng kakaibang pagbabago sa katawan o kalusugan.