Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
MATAPOS ang mahabang panahon ng pagtatago, lakas-loob na lumutang si former Police Colonel Eduardo Acierto sa pagdinig ng House Committee on Dangerous Drugs kung saan niya idinulog ang di umano’y makailang ulit na tangka sa kanyang buhay ni dating Pangulo Rodrigo Duterte.
“Ako po ang Police Colonel na matagal nang pinapahanap at pinapapatay ng dating Pangulong Duterte sa militar at kapwa ko police,” ani Police Col. Eduardo Acierto na aminadong nagtatago mula pa 2019.
Sa pagdinig ng komiteng pinamumunuan ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, idiniin ni Acierto si Duterte na di umano’y nagbibigay proteksyon sa malapit na kaibigang negosyanteng pasok sa malakihang kalakalan ng ilegal na droga.
Nang tanungin kung sino ang tinutukoy na kaibigan ng dating Pangulo, hayagang itinuro si former Presidential Adviser Michael Yang.
Hindi pa nasiyahan sa pagdadawit kay Duterte, idinamay rin sa alegasyon sina Senador Bong Go, at dating PNP chief at ngayo’y Senador Ronald dela Rosa na umano’y sangkot din pagbibigay-proteksyon sa sindikato ni Yang na aniya’y nasa likod ng pagpupuslit ng tone-toneladang droga sa bansa.
“Therefore, Rodrigo Roa Duterte, Bong Go, and Bato dela Rosa are protecting and are integral to the security of the illegal drugs network operating in the country,” litanya ni Acierto.
“They allowed the entry of large volumes of illegal drugs through our ports and supported the syndicates by defending them, targeting those that go against them, and playing dumb to true justice,” dugtong niya.
Ayon kay Acierto, si Yang at business partner nitong si Allan Lim ay malapit kay Duterte at ni dating Special Assistant to the President at ngayon ay Senator Bong Go.
Ani Acierto, kasama niyang nakatuklas sa ilegal na negosyo ni Yang ang isang Police Capt. Lito Perote na aniya’y hindi pa nakikita hanggang ngayon (at pinaniniwalaang pinaslang) matapos nilang magsimute ng report sa nadiskubreng malaking bulilyasong kinasasangkutan ng noo’y Presidential Adviser na si Yang.
“Sila Michael Young at Allan Lim na malapit nilang kaibigan ni Sen. Bong Go. Ako po at kasamahan kong si Police Capt. Lito Perote ang nakadiskubre ng mga illegal na aktibidad at gumawa ng report tungkol kay Michael Yang at Allan Lim,” paglalahad ng dating PNP official.
“Matagal na akong natatakot para sa aking buhay dahil ako ay pinapapatay ni Duterte. Sila po ay maimpluwensya hanggang ngayon.” dagdag pa niya.
Wala pang pahayag ang mga kampo ni Duterte,Go at dela Rosa sa alegasyon ni Acierto.
