Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
PATUNAY sa walang humpay na pagsisikap ng Kamara na magpaabot ng tulong sa mga nangangailangan, nasa kabuuang 3,167 kuwalipikadong residente ng lalawigan ng Leyte ang biniyayaan ng tulong pinansyal at bigas sa bisa ng programang magkatuwang na tinulak ng Department of Social Welfare and Development at Department of Labor and Employment.
Sa isang pahayag, ibinida ni House Speaker Martin Romualdez ang pamamahagi ng cash aid at de-kalidad na bigas sa ilalim ng CARD Program ng DSWD at Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) Program ng (DOLE).
“As instructed by President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., the delivery of public service continues. Tuloy-tuloy po ito at hindi nagpapahinga. At natutuwa ako na ang mga kababayan natin sa Tacloban at Babatngon sa Leyte ang nabigyan ng ayuda ngayong araw,” ayon sa pinuno ng Kamara.
“Ito ang nais ng ating Pangulong Bongbong Marcos, ang ilapit ang serbisyo sa mga mamamayan. Ipinadarama sa atin ng administrasyon na hindi ito nakakalimot sa sinumpaang tungkulin na isaayos ang kalagayan ng bawat mamamayan ng ating bansa,” dagdag niya.
Personal na pinangasiwaan ni Atty. Mark Stephen Reyes na tumatayong chief of staff at kinatawan ni Romualdez, ang distribusyon ng bigas at financial assistance, sa simpleng programang idinaos sa People’s Center sa Tacloban City.
Nabatiid kay Reyes na aabot sa 1,167 benepisyaryo sa ilalim ng CARD program ang binigyan ng tig-P5,000 tulong pinansyal at bigas na nagkakahalaga ng P1,000.
“The CARD Program is a program instituted by Speaker Romualdez to help other sectors of Philippine society not covered by the 4Ps or other assistance programs. It seeks to aid the vulnerable sectors such as indigent senior citizens, PWDs, single parents, indigenous peoples (IPs) and near-poor families.”
Bahagi rin ng naturang pamamahagi ng biyaya ang mga District Coordinator ni Romualdez na sina Arlan Sequito at Abet Eviota, katuwang ang mga opisyal ng DOLE, sa pangunguna ni North Leyte Field Chief Engr. Emmanuel de la Cruz at dating Babatngon Mayor Marife Galafon-Rondina.
Sa tala ng tanggapan ng lider-kongresista, tig-P4,100 cash aid ang ibinahagi sa 2,000 kwalipikadong benepisyaryo sa ilalim ng TUPAD Program sa Pagsalhugon Gym sa Babatngon, Leyte.
“In line with President Ferdinand ‘Bongbong’ R. Marcos Jr.’s directive, Speaker Romualdez remains committed to delivering public service to support various sectors of society struggling with daily expenses and the cost of living,” ani Reyes.
