Ni EDWIN MORENO
HABANG papalapit ang susunod na halalan, tila papainit ang sitwasyon sa kanayunan tulad sa bayan ng Bangued sa lalawigan ng Abra kung saan naitala ang isang pagsabog ng granada sa loob ng bakuran ng isang lokal na opisyal.
Sa ulat ng lokal na pulisya, initsahan ng granada ng hindi pa natutukoy na salarin ang bahay ni Perfecto Bolos Cardenas na tumatayong municipal administrator ng karatig bayan ng La Paz.
Bagamat nagtamo ng pinsala sa bahay ng opisyal, wala naman naitalang namatay o nasaktan sa insidente patuloy na iniimbestigahan ng lokal na pulisya.
Base na paunang imbestigasyon, dakong alas 2:00 ng madaling araw ng Huwebes nang bulabugin ng malakas na pagsabog ang bakuran ni Cardenas sa kahabaan ng Kalye Rizal, Zone 6 sa lokalidad ng Bangued.
Ayon kay Bangued Municipal Police Station chief Major Paul Claveria, patuloy na sinusuri ang surveillance camera footage sa layuning matukoy ang pagkakakilanlan at motibo ng suspek.
